
Nilinaw ni Philippine National Police – Public Information Officer (PNP – PIO) Chief Police Col. Allen Rae Co na ang pag-relieve sa pwesto sa 13 Highway Patrol Group – National Capital Region (HPG – NCR) personnel kasunod ng umano’y komprontasyon sa mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ay hindi nangangahulugang guilty na ang mga ito.
Nabatid na nangyari umano ang nasabing insidente habang nagsasagawa ng pagsira sa mga nakumpiskang smuggled na sigarilyo sa Bulacan ang BOC.
Ayon kay Co, kaya ni-relieve sa pwesto ang mga nasabing personnel ay para magbigay daan sa isinasagawang imbestigasyon.
Kabilang sa mga iimbestigahan ang dahilan kung bakit nag-operate ang nasabing unit sa Bulacan at kung may nangyari talagang komprontasyon.
Binigyang -diin pa ni Co na hindi sila gumagawa ng “excuse” para sa nasabing mga indibidwal at sinabing lalabas din naman ang lahat kapag natapos na ang imbestigasyon kung saan tiniyak nila na papakinggan nila ang lahat ng sides kaugnay ng nasabing insidente.










