
Iinspeksyunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Huwebes ang Tripa de Gallina Pumping Station sa Pasay City, kasunod ng malawakang pagbaha na naranasan sa Metro Manila dahil sa habagat.
Itinuturing ang Tripa de Gallina na pinakamalaking pumping station sa Metro Manila at may pinakamalaking catchment area sa mga pangunahing pumping station sa rehiyon.
Saklaw ng drainage area nito ang mga bahagi ng Pasay, Makati at Taguig, kaya mahalaga ang operasyon nito sa mabilis na pag-alis ng tubig-baha sa southern Metro Manila.
Ang pag-inspeksyon ng pangulo ay kasunod ng kanyang direktiba na tiyaking gumagana ang mga pumping station sa Metro Manila bilang unang depensa laban sa pagbaha.
Nauna nang sinabi ng pangulo na 73 pumping stations na ang gumagana, kabilang ang ilang pasilidad na dati aniyang hindi pa nakapag-operate.
Mayroon ding 11 mobile pumping equipment na ginagamit sa mga lugar na nangangailangan ng dagdag na kapasidad sa pagbomba ng tubig.
Iginiit ni Marcos na kailangang ipagpatuloy ang operasyon ng mga pumping station habang nagpapatuloy ang pag-ulan.
Alas-10 ng umaga nakatakdang dumating ang Pangulo sa pumping station sa Bac III Drive, Barangay 190.










