
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang National Food Authority o NFA na dagdagan ang pagbili ng palay para mapalakas ang stockpile ng bigas ng gobyerno bago tumindi ang epekto ng El Niño.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na dapat sulitin ng NFA ang natitirang harvest season para mapuno ang mga bodega nito.
Kasabay nito, palalakasin ng Department of Agriculture (DA) ang ayuda sa mga lugar na may sapat pang tubig para magtanim, kabilang ang dagdag na binhi, abono, solar irrigation at solar pumps.
Magsasagawa rin ng cloud seeding para makatulong sa suplay ng tubig sa mga sakahan.
Inatasan din ng pangulo ang DA na maghanda ng alternatibong trabaho para sa mga magsasaka at mangingisdang maaaring hindi makapagprodyus dahil sa El Niño.
Kabilang dito ang paggawa ng mga kanal at paghahanda ng lupa para sa susunod na taniman.
Sa ngayon, sinabi ng DA na may 75 araw na stock ng bigas, 125 araw na suplay ng manok, 170 araw para sa baboy at 90 araw para sa mais.










