
Tinawag ng transport group na PISTON na “atake sa kabuhayan ng mga drayber” ang pagpapatupad ng Non-Contact Apprehension Policy o NCAP at iba pang umano’y labis na multa sa mga motorista.
Ayon sa grupo, sa halip na simpleng sistema para sa disiplina sa trapiko, nagiging pagkakakitaan umano ang NCAP dahil sa koleksyon ng multa at pagkakasangkot ng mga technology contractor.
Inihalintulad din ito ng PISTON sa Joint Administrative Order 2014-01, na ayon sa kanila ay nagpataw ng mabibigat na multa sa mga paglabag at lalong nagpahirap sa mga PUV driver.
Giit ng grupo, mas dapat unahin ng gobyerno ang maayos na terminals, loading at unloading bays, pedestrian infrastructure, protected bike lanes, road signs at pag-ayos ng pampublikong transportasyon kaysa umasa sa pagmumulta.
Nanawagan ang PISTON na tuluyang ibasura ang NCAP, JAO 2014-01 at iba pang itinuturing nilang labis na multa, at sinabi nilang magsasagawa sila ng mga kampanya at protesta laban sa mga ito.










