PBBM, ipinag-utos ang mahigpit na monitoring sa mga presyo ng school supplies sa gitna ng nalalapit na pasukan

Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Department of Trade and Industry (DTI) na paigtingin ang pagbabantay sa presyo ng school supplies sa gitna ng nalalapit na balik-eskwela.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, bahagi ito ng nais ni Pangulong Marcos ng mas mabilis at epektibong paglilingkod at para rin matiyak na mananatiling abot-kaya presyo ng school supplies sa mga Pilipino.

Isa sa mga hakbang ay ang pagsasagawa ng inspeksiyon ng DTI sa mga pangunahing pamilihan tulad ng Divisoria.

Layon aniya ng inspeksiyon na tiyaking sumusunod ang mga tindahan sa itinakdang presyo ng school supplies alinsunod sa price guide na inilabas ng DTI.

Ayon kay Castro, batay sa price guide ng DTI, may 29 school items na bumaba ang presyo ng ₱1 hanggang ₱10 kumpara noong nakaraang taon, kabilang na rito ang mga notebook, lapis, ballpen, crayola, papel, at iba pang pangunahing gamit ng mga estudyante.

Tampok din sa listahan ang mga pinakamurang option per category upang makaiwas ang mga magulang sa overpricing at mabili ang abot-kayang gamit-eskwela para sa kanilang mga anak.

Facebook Comments