
Ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Barihan Elementary School at Tibagan Elementary School sa Bulacan bilang bahagi ng pagsisimula ng National Schools Maintenance Week ng Department of Education (DepEd) para sa Balik-Eskwela 2025.
Ayon kay DepEd Sec. Sonny Angara, napili ng pangulo ang naturang paaralan dahil tinututukan niya ang mga paaralang higit na nangangailangan.
Unang ininspeksyon ni Pangulong Marcos ang ginagawang paghahanda ng Barihan Elementary School sa Malolos Bulacan, partikular ang 22 tablets at isang laptop na gagamitin ng mga mag-aaral sa pasukan kasunod ng pagsasaayos ng internet connection sa paaralan.
Mismong si Pangulong Marcos din ang nag-install ng blackboards sa isang classroom katuwang si Angara at Presidential Son William Vincent Marcos.
Nag-iwan pa ito ng mensahe sa mga mag-aaral na magbabalik-eskwela na mag-aral nang mabuti.
Samantala, binisita rin ni Pangulong Marcos ang Khan Academy-powered classroom sa Tibagan Elementary School sa San Miguel Bulacan at kinumusta ang mga guro.
Ang Khan Academy-powered classroom ay gumagamit ng technical innovation tulad ng Starlink para sa malakas na internet connectivity at tablets at Smart TV.
Target ng pangulo na gawin din ito sa mga malalayong paaralan sa bansa.