
Kinilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga departamentong malaki ang naging papel sa pagkakatanggal ng Pilipinas sa Financial Action Task Force (FATF) grey list.
Ang FATF ay isang organisasyon na nagtatakda ng international standards kontra sa ilegal na financial activities, drug trafficking, arms smuggling at cyber fraud.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang pagkakatanggal ng Pilipinas sa listahan ay patunay na nanaig ang tagumpay ng bansa laban sa money laundering at terrorism financing.
Dahil dito aniya ay mas abot kaya na ang financial system ng mga transaksyon sa bansa, mas mababa na ang ipapataw na bayarin sa OFWs na nagpapadala ng pera sa Pilipinas, at mas kaunting hamon na lamang sa pagkuha ng international financing para sa foreign investments.
Giit ng Pangulo, kung nanatili sa grey list ng FTAF ang Pilipinas, magdudulot ito ng red flags sa mga investor kaya naman utos ng Pangulo sa mga kaukulang ahensya na siguruhing hindi na maibabalik pa ang bansa sa grey list.