
Wala pang desisyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung posible bang lagdaan niya ang panukalang batas na magpapalawig sa termino ng Barangay at Sangguniang Kabataan o SK officials mula sa tatlong taon patungong anim na taon.
Pahayag ito ng Palasyo matapos ipasa ng Kamara ang panukala term extension at ang pag-apruba ng Senado sa pagpapaliban ng Barangay at SK elections.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, iginagalang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang proseso ng lehislatura sa pagpasa ng panukalang batas.
Pero sa kabila nito, nais aniya ng pangulo na dapat ay naaayon sa adhikain ng tamang pamamahala at pag-unlad ng komunidad ang layunin ng anumang pagbabago sa sistema ng pamamahala ng mga opisyal ng barangay at SK.
Naniniwala rin ang Palasyo na dapat matuloy ang naka-schedule na barangay at SK elections ngayong taon hangga’t walang pinipirmahan na batas ang pangulo na magkakansela o magpapaliban sa halalan.