
Agad na ipinadala ng Philippine Coast Guard (PCG) ang BRP Panglao (FPB-2402) para maghatid ng mga relief supply para sa mga pamilyang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani.
Sakay ng nasabing barko ang 1,200 kahon ng relief goods, 57 galon ng malinis na inuming tubig, at 106 na tent na mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipapamahagi para sa mga residente sa bayan ng Glan.
Bahagi ang operasyon ng kampanyang iCARE ng PCG at ng patuloy na humanitarian assistance ng pamahalaan.
Layunin nito na agad na mabigyan ng kaukulang tulong ang mga komunidad na naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao.
Ayon kay Commodore Noemi Cayabyab, tagapagsalita ng PCG, humigit-kumulang 150 PCG responder at karagdagang K9 unit ang dineploy sa General Santos City upang mapalawak ang search and rescue operation sa isang gumuhong gusali sa Barangay Calumpang, at para sa mga nawawalang lokal sa isang beach resort sa Barangay Bawing.
Patuloy naman ang koordinasyon ng PCG sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang agarang paghahatid ng tulong sa mga apektadong lugar.










