
Pormal nang idineklara ng Pamahalaang Panlalawigan ng Basilan noong Lunes, Hunyo 9, na malaya na ang lalawigan mula sa presensya at banta ng Abu Sayyaf Group (ASG), na itinuturing na isang mahalagang tagumpay sa usaping kapayapaan at seguridad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Isinagawa ang seremonya ng deklarasyon sa Basilan Government Center sa Sta. Clara, Lamitan City, na dinaluhan ng mga pambansa at lokal na opisyal, kinatawan mula sa sektor ng seguridad, at iba’t ibang kasangkot sa usaping pangkapayapaan.
Ayon sa pamahalaang lokal ng Basilan, ang deklarasyong ito ay sumasagisag sa katatagan, pagkakaisa, at tapang ng mga mamamayang Basileno na matagal nang nananabik sa tunay at tuloy-tuloy na kapayapaan at kaunlaran. Bunga ito ng mga taon ng pinaigting na kontra-terorismong operasyon at malawakang pagtutulungan sa pagitan ng AFP, PNP, mga lokal na pamahalaan, at sektor sibil.
“Hangad ko na ang bawat pinunong susunod sa atin ay patuloy na pangalagaan ang kapayapaang ito, at nawa’y hindi na muling maranasan ng ating mga anak ang kasaysayang ating isinara,” pahayag ni Gobernador Jim Hataman Salliman ng Basilan.
Bilang pangunahing tagapagsalita, binigyang-diin ni Special Assistant to the President (SAP) Antonio Lagdameo Jr. na ang deklarasyon ay bunga ng matiyagang pagtutulungan ng mga lokal at pambansang ahensya sa pagtataguyod ng kapayapaan at katatagan na siyang core vision ng administrasyong Marcos hindi lang sa Bangsamoro kundi sa buong kapuluan.
“Opisyal na pong malaya ang Basilan mula sa banta at presensya ng Abu Sayyaf Group. Habang iwinawagayway natin ang watawat ng kapayapaan sa Basilan, nawa’y magsilbi itong tanglaw sa mga rehiyong patuloy pang humaharap sa anino ng karahasan,” ani Lagdameo.
Nagpahayag din siya ng taos-pusong pasasalamat sa mga kawal, kapulisan, lokal na pinuno, mga lider relihiyoso, at higit sa lahat, sa mga mamamayan ng Basilan sa kanilang mahalagang papel sa tagumpay na ito.
“Nawa’y magsilbing inspirasyon ito sa ating patuloy na paglalakbay tungo sa makatarungan, inklusibo, at pangmatagalang kapayapaan para sa buong bansa,” dagdag pa niya.
Pinasinayaan ang programa sa ganap na ika-10 ng umaga sa pamamagitan ng isang simbolikong demilitarisasyon kung saan dinurog gamit ang pison ang mga isinukong matataas na kalibreng armas — kabilang ang 329 baril, 800mm mortar, at .50 caliber sniper rifles. Ipinakita nito ang kolektibong pagtutol ng komunidad sa karahasan.
Kasunod nito ay isinagawa ang unveiling ng peace marker, na dinaluhan ng mga pangunahing sektor na kasangkot sa prosesong pangkapayapaan. Nagtapos ang programa sa mga mensahe ng pagkakaisa mula sa iba’t ibang lider at stakeholders.
Kabilang sa mga dumalo sa seremonya sina Basilan Ulama Supreme Council President Aboulkhair Tarason, Lamitan City Mayor Roderick Furigay, Commander ng Joint Task Force Orion na si LTGen. Leonardo Peña, Basilan PNP Provincial Director Col. Cerrazid Umabong, Basilan Vice Governor Yusop Alano, at Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Secretary Carlito Galvez Jr.
Ang deklarasyong ito ng Basilan bilang ASG-free ay itinuturing na mahalagang benchmark sa nagpapatuloy na proseso ng kapayapaan sa BARMM. Inaasahan na ito ay magbubukas ng mas mabilis na pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran, mas epektibong serbisyo publiko, at mas malalim na partisipasyon ng mamamayan sa pagpapanatili ng kaayusan.
Naniniwala ang mga opisyal ng pamahalaan na magsisilbing inspirasyon ang tagumpay ng Basilan sa iba pang lugar na apektado ng kaguluhan upang higit pang yakapin ang kapayapaan at inklusibong pamamahala. Para sa kanila, ang kapayapaan ay hindi lamang kawalan ng labanan kundi isang pagbabago ng buhay at kinabukasan ng mga pamayanang matagal nang naapektuhan ng ekstremismo at rebelyon.