
Magsasagawa ng environmental damage assessment ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga bahura na naapektuhan ng pagsadsad ng hinihinalang Chinese Maritime Militia vessel sa may Pag-asa Island.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG sa West Philippine Sea (WPS), nakikipag-ugnayan na sila sa ibang organisasyon para suriin ang pinsala na dulot ng iligal na presensiya ng barko ng China sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Layon aniya nitong alamin kung may naging potensiyal na ecological impact na dulot ng insidente.
Noong Sabado, nakita ang hinihinalang Chinese Maritime Militia vessel na may bow number na 13868 na sumadsad sa Pag-asa Reef 1 malapit sa Pag-asa Island.
Posibleng sumadsad ito sa mababaw na bahagi ng karagatan dahil sa masungit na panahon na nagdulot ng malakas na hangin at hampas ng alon.
Susubukan sanang tumulong ng mga naka-istasyong tauhan ng PCG pero hindi sila sinasagot ng mga ito.
Isang barko naman ng China Coast Guard (CCG) na may bow number na 5102 ang nakipag-ugnayan sa militia vessel pero hindi ito lumapit sa pangambang sumadsad din sila sa baybayin.