Monday, September 14, 2026

PGH, itinangging nasa ‘presidential suite’ si Romualdez

Itinanggi ng Philippine General Hospital o PGH na naka-confine sa tinatawag na “presidential suite” si dating House Speaker at Leyte Representative Ferdinand Martin Romualdez.

Ayon kay PGH Spokesperson Dr. Jonas del Rosario, wala umanong ganitong klaseng accommodation sa ospital, at nilinaw din niyang hindi naka-confine sa psychiatry ward ang dating speaker.

Paliwanag ni Del Rosario, ang kuwartong kasalukuyang ginagamit ni Romualdez ay pinili dahil sa maikling abisong natanggap ng ospital kaugnay ng paglipat sa kanya mula Cardinal Santos Medical Center.

Isinaalang-alang din aniya ang seguridad dahil nasa dulo ng corridor at ikapitong palapag ang kuwarto, habang hindi rin nito naaabala ang normal na daloy ng serbisyo sa ibang pasyente.

Malaki rin ang kuwarto para magkasya ang kinakailangang security personnel, medical equipment at mga tauhang magsasagawa ng pagsusuri gaya ng stress echo test.

Ayon sa PGH, ito rin ang natitirang malaking private room na available nang matanggap nila ang kautusan ng Sandiganbayan.

Samantala, kasalukuyang dinidinig ng Sandiganbayan ang mosyon ni Romualdez na continued hospital confinement under custody.

Facebook Comments