Thursday, May 14, 2026

Pilipinas, positibo sa negosasyon ng ASEAN Code of Conduct sa South China Sea

Positibo ang pamahalaan sa takbo ng negosasyon ng mga bansang miyembro ng ASEAN kaugnay ng matagal nang isinusulong na Code of Conduct (COC) sa South China Sea.

Ito ay sa gitna ng patuloy na tensyon at agresibong pagkilos ng China sa West Philippine Sea (WPS), kung saan may inaangking teritoryo na sakop ng Pilipinas.

Sa press briefing sa Cebu, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary at ASEAN Spokesperson Dominic Imperial na nakikita ng Pilipinas ang matibay na commitment ng mga bansang ASEAN para maisapinal at malagdaan na ang COC.

Ayon kay Imperial, aktibo ring kalahok ang China sa mga pulong kaya nananatiling positibo ang pamahalaan sa magiging direksyon ng usapin.

Tuloy-tuloy rin aniya ang mga pagpupulong at nakahanay na rin ang mga susunod na talakayan para sa COC, matapos itong unang itulak sa ASEAN Foreign Ministers’ Retreat noong Enero.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gagamitin ng Pilipinas ang pagiging chair ng ASEAN para mapabilis ang pagbuo at paglagda sa Code of Conduct sa South China Sea.

Facebook Comments