
Sa inilabas na opisyal na pahayag ng NMC ngayong araw, binigyang-diin na hindi nagbabago ang opisyal na posisyon ng Pilipinas.
Lahat ng aksyon nito sa West Philippine Sea ay nakabatay sa international law, partikular sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea at sa 2016 Arbitral Award.
Paliwanag ng NMC, malinaw na itinatakda ng Arbitral Award na ang Ayungin Shoal ay isang low-tide elevation na nasa loob mismo ng Exclusive Economic Zone at continental shelf ng bansa.
Dahil dito, hindi aniya katanggap-tanggap ang giit ng Beijing na bahagi ng teritoryo ng Tsina ang Ayungin Shoal, pati na ang paglalarawan sa BRP Sierra Madre bilang isang illegally grounded na barko.
Tiniyak ng gobyerno na patuloy nilang susuportahan at pangangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre habang isinasagawa ang mga legal at kinakailangang aktibidad sa lugar.










