
Magandang balita para sa mga gumagamit ng liquefied petroleum gas o LPG.
Ayon sa Department of Energy o DOE, bababa ang presyo ng LPG ngayong Setyembre.
Tinatayang may bawas na humigit-kumulang 40 sentimos kada kilo, o katumbas ng P4.40 para sa karaniwang 11-kilogram na tangke.
Ayon sa DOE, kahit tumaas ang pandaigdigang contract price ng LPG, nabawi ito ng mas mababang freight cost at paggalaw ng piso laban sa dolyar, kaya bumaba ang kabuuang halaga ng LPG sa bansa.
Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin, bagama’t maliit ang bawas, malaking tulong pa rin ito sa mga pamilyang umaasa sa LPG sa kanilang pang-araw-araw na pagluluto.
Sa Setyembre, inaasahang maglalaro sa pagitan ng P1,031 hanggang P1,536 ang presyo ng isang 11-kilogram na LPG cylinder, depende sa tatak, lokasyon at iba pang factor sa merkado.
Pinapayuhan din ng DOE ang publiko na ihambing ang presyo ng LPG sa kanilang lugar at bumili lamang sa mga awtorisadong dealer at retailer upang matiyak ang kalidad at kaligtasan ng produkto.










