
Nagpaliwanag si Atty. Amando Ligutan ng prosecution team tungkol sa naging post niya sa kanyang Facebook account noong August 12 kaugnay sa misleading questions.
Ang nasabing post ay inalmahan ni Atty. Shiela Sison ng defense team na naging dahilan para maglabas ng desisyon ang impeachment court tungkol sa sub judice rule.
Sa paliwanag ni Ligutan, iginiit lamang niya sa kanyang post na ang misleading questions ay hindi pinapayagan kahit sa cross-examination at wala naman aniya siyang pinangalanan.
Reaksyon lamang aniya ito sa nag-viral na palitan ng sagot nina Atty. Lorna Kapunan ng prosekusyon at Atty. Kristine Ferrer ng depensa tungkol sa misleading question na naging usapin hindi lang sa social media kundi pati sa legal community.
Maliban dito, iginiit niyang bukod sa pagiging abogado ay isa rin siyang guro, kaya dahil sa kanyang teacher’s instinct ay itinama lamang niya ang nararapat.
Binigyang-diin pa ni Ligutan na wala siyang tinalakay na merito ng kaso maski ang kalakasan o kahinaan ng mga ebidensya.
Nababahala aniya siya dahil walang pag-amin sa pagkakamali ang defense team at sa halip ang gawin ay i-call out ang mga guro at abogado na itinatama lamang ang pagkakamali.










