PITONG MOST WANTED SA PANGASINAN, SUNOD-SUNOD NA TIMBOG SA ISANG ARAW NA MANHUNT NG PRO1

Pitong most wanted persons sa iba’t ibang bayan ng Pangasinan ang magkakasunod na naaresto sa loob lamang ng isang araw sa inilunsad na malawakang manhunt operation ng Police Regional Office 1 (PRO1) noong Mayo 23, 2026.

Kabilang sa mga nadakip ang mga akusado sa kasong murder, homicide, attempted murder, at robbery.

Sa bayan ng Dasol, tatlong municipal-level most wanted persons ang sabay-sabay na naaresto ng Dasol Municipal Police Station kaugnay ng kasong attempted murder.

Ayon sa ulat, kinilala ang mga suspek na edad 35, 45, at 62 na pawang residente ng bayan at nagtatrabaho bilang construction worker at charcoal maker. Sila rin umano ang ikalawa, ikatlo, at ikalimang most wanted persons ng munisipalidad.

Arestado naman sa Alcala ang isang 29-anyos na construction worker na kabilang sa top municipal fugitives dahil sa kasong homicide.

Kasabay nito, huli rin sa isinagawang joint operation sa San Manuel ang itinuturing na top most wanted person ng bayan na isang 67-anyos na lalaki na nahaharap sa kasong murder.

Pinangunahan ang operasyon ng San Manuel MPS katuwang ang iba’t ibang yunit ng Pangasinan PPO at Regional Mobile Force Battalion.

Sa Mangaldan, timbog ang isang 36-anyos na magsasaka mula Echague, Isabela na wanted sa kasong robbery in band sa ilalim ng Article 296 ng Revised Penal Code na may inirekomendang piyansang ₱100,000.

Samantala, inaresto rin ng pinagsanib na puwersa ng Anda at Dasol MPS ang isang 34-anyos na houseboy sa Anda na kabilang sa Top 6 Most Wanted Persons ng bayan dahil sa kasong attempted murder.

Ayon sa PRO1, isinailalim sa medical examination ang lahat ng naaresto bago dinala sa kustodiya ng kani-kanilang himpilan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments