Isang magiting na Babae sa Dagupan City ang patuloy na nagsusumikap para sa kanyang mahal sa buhay.
Siya si Anita Untalan, pitumpong taong gulang, residente ng Brgy. Pantal, Dagupan City na hindi alintana ang init at patuloy na nagtitinda kahit na ito’y may edad na.
Tindera ng Mangga si Lola na nakapwesto sa traffic junction ng lungsod. Marami na ang nakakakilala sa kaniya dahil sa kaniyang produkto at walang mintis sa paghahanap buhay.
Super lola kung siya at maituturing, dahil napakaliksi pa rin nitong kumilos, malakas pa ang pandinig, at magiliw sa mga taong nagdaraan at bumibili sa kanya.
Ayon sa kanya, pakiramdam niya ay mas magkakasakit daw siya kung pipirmi lamang ito sa bahay kayat hinahanap hanap pa rin ng katawan niya ang pagtitinda.
Dagdag pa niya, ang kinikita niya sa paglalako ng mangga ay ginagamit niyang pambili ng kaniyang gamot at pambaon ng kanyang special child na apo na nag-aaral sa SPED center ng West Central Elementary School dito sa siyudad.
Ang naturang apo din daw ni lola ang nagsisilbing sandalan niya at inspirasyon para patuloy na maghanapbuhay dahil ito rin ang nagiging katuwang niya sa bawat araw na dumaraan.
Tanging hiling lang niya, ay maging malusog ang kanyang pangangatawan upang maipagpatuloy ang paghahanap buhay. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨