Planong pagkuha ng asylum ni Atty. Harry Roque sa The Netherlands, walang basehan

Screenshot from Harry Roque/Facebook

Iginiit ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro na hindi biktima ng political persecution si Atty. Harry Roque kaya walang batayan ang plano nitong pagkuha ng asylum sa The Netherlands.

Mensahe ni Castro kay Roque, umuwi muna sa Pilipinas at harapin ang imbestigasyon ng House Quad Committee ukol sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Diin ni Castro, dapat ay linisin muna ni Roque ang sarili kaugnay sa alegasyong koneksyon niya sa POGO bago niya ipagtanggol si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa paglilitis ng International Criminal Court (ICC) para sa kasong crimes against humanity.


Sa ngayon ay may umiiral na arrest order ang Kamara laban kay Roque matapos itong i-contempt ng House Quad Committee dahil sa hindi pagsusumite ng mga dokumento gaya ng income tax return, deed of sale, at SALN para mapatunayang wala siyang koneksyon sa POGO operations.

Facebook Comments