Planong panggugulo ng teroristang grupo na Hamas sa bansa, nadiskubre ng PNP

Ibinulgar ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang plano ng teroristang grupo ng Hamas na paghahasik ng kaguluhan sa bansa.

Ito ay matapos madiskubre ang recruitment ng mga Pilipino mula sa mga local terrorist group na siyang gagamitin sa masama nilang balak sa Pilipinas kapalit ng malaking halaga ng pera.

Ayon kay PBGen. Neil Alinsangan ng PNP Intelligence Group, nadiskubre nila ito mula sa isang local contact ng Hamas.


Isang Fares Al Shikli alias Bashir ang umano’y nagre-recruit ng mga Pilipino sa kanilang grupo.

Siya ang head ng Hamas’ Foreign Liaison Section at siya rin ay nasa Interpol Red Notice list dahil sa pagkakasangkot sa terorismo.

Lumabas ang impormasyon na ito mula sa mga Intelligence counterpart ng PNP.

Dahil si Bashir ay nagkaroon umano ng pakikipagpulong sa Malaysia kasama ang ilang Pilipino.

Napag-usapan daw pagpupulong kung paano ang gagawing pag-atake sa Israelis, magsagawa ng mga kilos-protesta sa Israeli Embassy sa bansa at magpakalat ng mga propaganda materials laban sa Israel.

Ang Hamas ay isang terrorist group na aktibo sa Gaza Strip at West Bank ng Palestine.

Babala ni BGen. Alinsangan sa mga terrorist group, hindi sila magtatagumpay sa kanilang plano sa bansa dahil monitor na sila ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Facebook Comments