Friday, August 14, 2026

PNP Chief Gen. Nartatez, iniutos ang coordinated approach para matulungan ang mga estudyanteng na-stranded tuwing sinususpende ang klase dahil sa sama ng panahon

Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga police commander nito na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan na bantayan ang paligid ng mga paaralan at mga rutang dinaraanan ng mga estudyanteng maaaring ma-stranded kapag biglaang sinususpende ang klase dahil sa sama ng panahon.

Ayon kay Nartatez, ang nasabing hakbang ay para matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral, lalo na sa mga nasa grade school at junior high school.

Dagdag pa niya, bukod sa lokal na pamahalaan ay iniutos din niya ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa mga eskwelahan, pagtutok sa mga lugar na bahain, at pagbibigay ng agarang tulong kung kinakailangan.

Ayon kay Nartatez, kailangang manatiling nakikita ang presensya at handang rumesponde ang mga pulis kahit na naipahayag na ang suspensyon ng klase.

Pinaalalahanan naman ng Top Cop ang mga police officer nito na manatiling visible at tumutugon sa mga aberyang dulot ng sama ng panahon dahil ang kaligtasan ng mga estudyante at publiko ang pangunahing prayoridad ng PNP.

Facebook Comments