
Patuloy sa pagsasagawa ng imbestigasyon ang Negros Occidental Police kaugnay sa dalawang magkahiwalay na kaso ng brutal na pananakit sa aso.
Ayon sa Murcia MPS, wala pa silang persons of interest sa insidente.
Unang naiulat ang kaso ng asong si “TikTok” na tinadtad ng pana noong Linggo sa Barangay Blumentritt.
Agad namang na-rescue si TikTok, inalis ang mga pana, at tinahi ang kanyang sugat.
Samantala, tinamaan din ng pana ang asong si Buldog sa Barangay Caliban nitong Miyerkules ng gabi.
Ang kaso ni TikTok at Buldog, ayon sa Murcia MPS, ay unang beses na nangyari sa kanilang bayan.
Sa kabila ng kalupitang sinapit ng mga hayop, sinabi ng PNP na wala pa silang natatanggap na opisyal na reklamo mula sa mga may-ari ng aso.
Sa ilalim ng Republic Act 8485 o Animal Welfare Act, sinumang mapatutunayang nagmaltrato ng hayop ay maaaring makulong.