PNP, magtatalaga ng bus marshals sa mga bibiyaheng unit ng Yellow Bus Line sa Tacurong City

Maglalagay na ng mga bus marshals ang Philippine National Police (PNP) sa mga unit ng Yellow Bus Line.

Ito ay makaraang pasabugin ang isa nilang unit kahapon ng umaga ng mga rebelde kung saan 1 ang nasawi habang 11 naman ang sugatan.

Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, ang mga bus marshals ang siyang titiyak ng seguridad ng mga pasahero upang maiwasang mangyari ang kahalintulad na insidente.


Sinabi pa ni Fajardo na mungkahi rin nila sa pamunuan ng nasabing bus company na magpatupad na lamang ng point-to-point na biyahe para ma-monitor ang sakay ng mga pasahero gayundin ang kanilang mga bagahe.

Matatandaang noon lamang nakalipas na May 26 ay tinaniman din ng bomba ang isang unit ng Yellow Bus Line sa Koronadal City na ikinasugat ng 2 katao.

Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, extortion ang nakikita nilang motibo sa insidente.

Facebook Comments