PNP, MAYROON NG GABAY SA ISA PANG INSIDENTE NG PAMAMARIL SA LUNGSOD NG CAUAYAN

28
Cauayan City, Isabela- Mayroon nang tinitignang gabay ang PNP Cauayan City sa pangalawang naitalang insidente ng pamamaril sa Lungsod ng Cauayan partikular sa barangay Ling-lingay.

Sa ating panayam kay PLT Col Sherwin Cuntapay, hepe ng Cauayan City Police Station, kasalukuyan aniya ang kanilang ginagawang malalimang pagsisiyasat sa pamamaril sa biktimang si Ernesto Butac Jr, apatnapung taong gulang, may asawa, isang driver at residente ng brgy. Buyon, Cauayan City.

Naganap ang pamamaril sa biktima ng hindi pa nakikilalang suspek nitong Linggo ng gabi, May 22, 2022 nang magtungo ang biktima kasama ang pamilya sa bahay ng pinaupahan ng sound system sa Brgy. Ling-lingay.

Nagtamo ng limang tama ng bala ng Caliber 45 na baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima na nagawa pang maisugod sa ospital subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Sa ngayon, blangko pa ang kapulisan sa motibo ng pagpatay sa biktima pero umaasa pa rin ang PNP na mareresolba rin ang kaso oras na mabuo na ang kanilang isinasagawang imbestigasyon.

Magugunita nitong ika-18 ng Mayo 2022, binaril din ng hindi pa matukoy na suspek ang isa pang truck driver na si Danilo Bramaje ng Brgy. Gappal, Cauayan City partikular kahabaan ng brgy. San Fermin ng dahil lamang sa girian sa lansangan.



Samantala, hinihiling ngayon ng Hepe ng pulisya ang suporta at tulong ng bawat barangay maging ang LGU para sa agarang ikareresolba ng mga naturang insidente ng krimen o pamamaril sa Lungsod.

Facebook Comments