
Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang panukalang ibaba sa 12 taong gulang ang minimum age of criminal liability mula sa 15 taong gulang.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Allen Rae Co, nakikita ng pulisya ang pangangailangang repasuhin ang umiiral na batas dahil sa pagtaas ng bilang ng mga children in conflict with the law (CICL).
Kasunod ito ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na kinasasangkutan ng dalawang menor de edad.
Gayunman, nilinaw ni Co na hindi awtomatikong mananagot ang isang bata dahil lamang sa kanyang edad.
Mananatili aniyang mahalagang batayan kung kumilos ito nang may discernment o sapat na pag-unawa sa kanyang ginawa nang maganap ang krimen.
Sa kaso ng Tacloban school shooting, sinabi ng PNP na maaaring sumailalim sa regular na paglilitis ang 15-anyos na suspek kung mapatutunayang kumilos ito nang may discernment.
Samantala, ang 14-anyos na suspek ay ilalagak sa isang child protection facility ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa bigat ng kasong kinahaharap nito.










