
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa nangyaring pagpatay sa isang guro sa Cotabato City kahapon, February 25, 2025.
Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Randulf Tuaño, tinutukoy pa nila ang motibo sa pamamaslang.
Matatandaang pinagbabaril ng mga suspek ang biktimang si Israel Abas Angas, 29 years old, civil engineering teacher sa Notre Dame University, Cotabato City.
Base sa inisyal na imbestigasyon, lulan ang biktima ng puting Toyota Fortuner kung saan habang binabagtas nito ang kahabaan ng Notre Dame Avenue, Rosary Heights 3, Cotabato City ay tinambangan ng apat na suspek atsaka pinagbabaril.
Nagtamo ang biktima ng gunshot wounds sa kanyang kaliwang bisig at upper abdomen at idineklarang dead on arrival.
Narekober naman ang 14 na basyo ng bala sa crime scene.