
Tinututukan na ng Philippine National Police (PNP) ang anggulo na isang sniper ang responsable sa pagpaslang kay Mayor Joel Ruma ng bayan ng Rizal, Cagayan.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Col. Randulf Tuaño, tinamaan ng isang bala ng caliber 5.56 sa kanang balikat si Mayor Ruma, na tumagos pa sa likurang bahagi ng kanyang katawan.
Narekober din ang isang basyo ng bala sa lugar na hinihinalang pinagmulan ng putok at pinaniniwalaang pinwestuhan ng sniper.
Nasa kustodiya na rin ng binuong Special Investigation Task Group ang 4 na local police security ng alkalde para kuhanan ng pahayag at inaalam kung nakaganti ng putok dahil may tatlong nasugatan sa insidente.
Isasalang din ang mga pulis sa parrafin test at isailalim sa forensic ang kanilang service firearms.
Batay sa inisyal na ulat, pasado alas-9:00 kagabi nang pagbabarilin si Mayor Ruma sa loob mismo ng gymnasium sa Barangay Iluru habang nasa gitna ng kanyang pangangampanya.