
Wala pang natatanggap na kahit na anong pormal na request ang Philippine National Police (PNP) sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng pagkansela ng lisensya ng mga baril ni Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.
Ayon kay PNP Acting Chief PIO Col. Allen Rae Co, sakaling matanggap ang nasabing request ay agad itong ieevaluate at aaksyunan alinsunod sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at sa Revised Implementing Rules and Regulations nito.
Aniya maaaring ma-revoke agad ang firearms license kapag natugunan ang alinmang kondisyon sa batas at sapat ang isang kondisyon upang maging bantayan ng nasabing kanselasyon.
Kung saan ang Firearms License Revocation and Restoration Board sa ilalim ng Civil Security Group ang tutukoy kung may basehan para sa kanselasyon nito.
Nabatid na nauna nang sinabi ng NBI na plano nitong hilingin sa PNP ang pagkansela ng lisensya ng nasabing Senador.
Samantala, nauna nang inihayag ng abogadong si Jesus Falcis sa isang post na may nasa higit 100 mga baril ang pagmamay-ari ni Senador Dela Rosa, ngunit hinihintay pa ang kumpirmasyon sa Firearms and Explosive Office ng PNP kung ang nasabing ulat ay lehitimo.










