
Inalala ng ilang obispo at opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kung paano sila pinalakas ang loob ng Santo Papa sa gitna ng natatanggap na batikos noon dahil sa pagkondena sa war on drugs.
Ayon kay dating CBCP President Archbishop Socrates Villegas, pinayuhan siya ng Santo Papa na manatiling matatag sa kaniyang tungkulin bilang pastol kahit na nakararanas ng panggigipit noon sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kung matatandaan, sa isang pastoral letter ay nanawagan si Villegas sa mga simbahan na patunugin ang mga kampana sa loob ng 40 gabi bilang tanda ng pagluluksa at protesta.
Ito naman ang naging dahilan ng pagbatikos sa kaniya ng noo’y hepe ng Philippine National Police ngayo’y Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na nanguna sa pagpapatupad ng Oplan Double Barrel at Oplan Tokhang.
Inalala naman ng kasalukuyang CBCP President na si Cardinal Pablo Virgilio David ang suporta sa kaniya ng Santo Papa noong tinutuligsa rin ang war on drugs.
Sinabihan daw siya mismo ni Pope Francis na ipinagdarasal siya nito lalo na’t sari-saring panlalait at banta sa buhay ang natanggap noon ng kardinal.