
Pinapayuhan ngayon ng Philippine Red Cross (PRC) ang mga bata at matatanda na huwag nang dumalo sa prusisyon na isasagawang Sinulog Festival sa Cebu City.
Ayon sa PRC, dapat ay manatili na lamang sa kani-kanilang mga bahay ang mga matatanda at bata upang maiwasan ang anomang disgrasya na posibleng mangyari sa kanila.
Una rito, handang-handa na ang Philippine Red Cross para sa tradisyonal na selebrasyon ng Sinulog Festival sa Cebu bukas, Enero 19.
Paliwanag pa ng PRC, maglalatag sila ng mga first aid station sa mga lugar na ruta ng prusisyon sa naturang lungsod.
Nagbigay na rin ng mga paalala ang Philippine Red Cross sa mga dadalo para sa ligtas na selebrasyon kung saan ang ilan dito ay dapat umano tiyaking secure ang bahay bago umalis, iwasan ang pagsusuot ng mga alahas, pagdadala ng mamahaling electronic gadgets at matutulis na bagay.
Mahalaga rin umano na alamin ang tanggapan ng himpilan ng pulisya, pagamutan, pati na mga emergency contact numbers.
Ginaganap ang taunang selebrasyon tuwing ikatlong linggo ng Enero bilang parangal sa Mahal na Sto. Niño, hindi lamang sa Cebu bagkus pati na rin sa NCR gaya sa Tondo, Pandacan at sa Marikina City.