PRO 1,PINAIIGTING ANG INSPEKSYON AT OPERASYON KONTRA ILLEGAL NA PAGGAWA AT PAGBEBENTANG PAPUTOK

Iniutos ni Police Regional Office 1 (PRO 1) Regional Director PBGEN Crisaleo R. Tolentino ang mas pinaigting na operasyon laban sa ilegal na paggawa ng paputok at mahigpit na inspeksyon sa lahat ng awtorisadong establisimyento ng paputok sa buong Region 1.

Ang direktiba ay kasunod ng naganap na nakamamatay na pagsabog sa Pangasinan na muling nagbigay-diin sa panganib na dulot ng ilegal na paggawa at hindi ligtas na paghawak ng mga paputok.

Sa ilalim ng kautusan, paiigtingin ng kapulisan ang mga operasyon upang matukoy at mapanagot ang mga sangkot sa ilegal na paggawa at pagbebenta ng mga paputok at iba pang pyrotechnic devices.

Isasailalim din sa masusing inspeksyon ang mga lehitimong tindahan at establisimyento upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa umiiral na mga batas, regulasyon at pamantayan sa kaligtasan.

Layunin ng hakbang na maiwasan ang mga aksidente, sunog at iba pang insidenteng maaaring magdulot ng pinsala sa buhay at ari-arian, lalo na sa nalalapit na panahon ng kapaskuhan at pagdiriwang ng Bagong Taon.

Muling pinaalalahanan ng PRO 1 ang publiko na umiwas sa ilegal na paputok at makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa ilegal na paggawa at pagbebenta nito.

Binigyang-diin ng kapulisan na mahalaga ang mahigpit na pagpapatupad ng batas at pakikiisa ng publiko upang matiyak ang ligtas at mapayapang pagdiriwang sa buong rehiyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments