
Inaasahang tataas ang produksyon ng asukal dahil sa positibong crop year ngayong taon.
Ayon kay Sugar Regulatory Administrator (SRA) Pablo Luis Azcona, inaasahan nila ang halos limang porsyentong pagtaas sa produksyon ngayong taon.
Ito ay katumbas ng 1.837 million metric tons ng produksyong asukal mula sa initial estimate na 1.782 million MT.
Ani Azcona, sa kasalukuyan ay nasa 1.815 million MT ng asukal ang na-produce at sa kabila ng mababang sugar producer per ton of cane (LKGTC), tinitingnan dito ang mataas na makukuhang produksyon batay sa sugar cane tonnage per hectare na natanim.
Ang Visayas ang mayinaasahang pinakamalaking bahagi o 71% ng kabuuang produksyon habang ang Negros Island ay may 63% na produksyon.
Makakapag-ambag naman ng 6.3% ang Panay at ang natitirang bahagdan ay magmumula sa mga plantasyon ng Cebu at Leyte.
Ang Mindanao na itinuturing na susunod na frontier para sa industriya ng asukal ay tinatayang makakapag ani ng 24% sa pagtatapos sa taon habang ang Luzon ay halos 5% ang inaasahang ambag sa kabuuang produksyon.
Ayon pa kay Azcona, ang kanilang pagtaya ay medyo mababa dahil ito ay batay sa health and sugarcane assessment pagkatapos ng matinding El Niño.