
Tuloy ang pag-usad ng “Free WiFi for All” na pangako ng Marcos administration makaraang magkaisa ang Department of Information and Communications Technology at ang Ministry of Transportation and Communications ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao upang ilatag sa liblib na mga komunidad ng rehiyon ang digital connectivity.
Katuwang ng DICT ang mga telco na tumutugon sa utos ng Pangulo na latagan ng maayos na internet connection ang buong kapuluan, partikular ang GIDAs.
Pormal na nilagdaan ng DICT at MoTC ang Memorandum of Understanding nitong Martes, Hunyo 10, sa isinagawang Tawi-Tawi Digital Bayanihan Roadshow sa Mindanao State University sa Bongao, Tawi-Tawi.
Layunin ng kasunduang ito na higit pang mapalawak ang koneksiyon ng internet sa BARMM, lalo na sa mga liblib at malalayong lugar na matagal nang walang digital services.
Ayon sa DICT, ang kolaborasyong ito ay hakbang tungo sa isang mas inklusibo, mas accessible at mas mabilis na internet connection para sa bawat Pilipino saan mang bahagi ng bansa kabilang na ang mga isla ng Tawi-Tawi.
Ipinahayag ni DICT Usec. Paul Joseph Mercado ang mensahe ni DICT Secretary Henry Aguda na nagsabing layunin ng ahensya na isulong ang tunay na kaunlaran sa pamamagitan ng teknolohiya at ng prinsipyo ng Digital Bayanihan kung saan walang sinuman at walang rehiyon ang maiiwan sa digital na pag-unlad.
“Without connectivity, technologies won’t work properly. Kaya malinaw ang misyon ng aming ahensya na ipaabot ang connectivity sa lahat ng panig ng bansa,” sabi ni Mercado.
Samantala, binigyang-diin naman ni BARMM MoTC Minister Paisalin Tago ang mas malalim na epekto ng kasunduang ito sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga mamamayan ng Tawi-Tawi.
“Today is not just a signing of a document, it is the sealing of shared vision, a vision where the digital future reaches every corner of our region. It is about opening new door for education, economic development, public service delivery, and inclusive governance,” sabi ni Tago.
Samantala, inihayag naman ni DICT Assistant Secretary Philip Varilla ang mga programang inilunsad at ilulunsad pa lamang ng ahensiya sa Tawi-tawi. Base sa kanya, naimplementa na umano ang free wifi program sa mga bayan ng Basilan, Sulu, at ngayon ay sa Tawi-tawi.
Nakikipag-ugnayan din, aniya, ang DICT sa Japan upang makapagpatayo ng wireless backbone network mula Zamboanga hanggang Tawi-tawi upang mapalawak pa ang kasalukuyang broadband program.
Ang naturang inisyatiba ay bahagi ng Digital Bayanihan project ng DICT na kinabibilangan din ng Bayanihan Sim Project, Free Wifi for All, National Broadband Program, at iba pa.
Ang lahat ng ito ay bahagi ng mas malawak na layunin ng DICT na tiyakin ang digital transformation ng Pilipinas na maging inklusibo anuman ang lokasyon, katayuan sa buhay, o relihiyon.