
Mas pipiliin umano ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Claire Castro na tawaging “18 basureros” ang 18 bodyguard ni dating Cong. Zaldy Co kaysa iugnay ang mga ito sa Philippine Marines.
Ito ay matapos manawagan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na itigil na ang pagtawag sa grupo bilang mga ex-Marines, kasunod ng paglutang ng kanilang mga testimonya sa pagdinig ng Senado kaugnay sa flood control scandal.
Ayon kay Castro, wala na sa aktibong serbisyo ang mga ito nang maging bodyguard ni Co kaya hindi na dapat idikit sa institusyon ng militar ang kanilang mga aksyon at pahayag.
Sinabi ni Castro na maaari silang ilarawan bilang “18 maleta boys,” “18 kargador,” o “18 basurero,” bagama’t mas naaangkop aniyang tawagin silang “18 witnesses” o “18 bodyguards.”
Samantala, kinumpirma rin ni Castro na nakarating na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang alegasyon ng ilan sa mga testigo na umano’y tumanggap siya ng mga maleta sa kanyang tahanan sa Paoay, Ilocos Norte.
Gayunman, umismid lamang aniya ang pangulo sa akusasyon dahil wala umanong ebidensyang sumusuporta rito at nananatiling walang katotohanan ang mga paratang.










