
Nagdesisyon ang House prosecution team na i-drop o huwag nang paharapin ang natitira pang 15 witnesses para sa Article 1 o ang hindi tamang paggamit ng P612.5 million confidential funds ni Vice President Sara Duterte (VPSD).
Ngayong araw sana ay haharap ang surprise o reserved witness ng prosekusyon na si Quezon City Police District – Forensic Unit (QCPD – FU) Pmaj. Jovelyne Maggay para kumpirmahin ang mga lagda sa acknowledgement receipts ng confidential funds.
Ayon kay Atty. Lorna Kapunan, prosecution lawyer, napagkasunduan nila sa prosekusyon na hindi na paharapin ang mga natitirang testigo, sa halip ang nais nilang ipatawag ang mismong respondent o nasasakdal na si VPSD na siyang responsable sa misuse o maling paggamit sa confidential funds.
Sinabi ni Kapunan na i-re-rest muna nila ang Article 1 at hindi muna nila hihilingin ngayon ang pagpapa-subpoena sa ikalawang pangulo.
Dagdag ni Kapunan, tatapusin muna nila ang presentasyon ng lahat ng apat na articles bago ang balak na pagpapatawag kay VPSD.
Gayunman, tutol dito ang defense panel ni VPSD kung saan iginiit ni Atty. Shiela Sison, lead defense counsel, na humaharap sa impeachment court ang respondent o ang bise sa pamamagitan ng kanyang mga kinatawang abogado.
Punto pa ni Sison, hindi pinapayagan sa Konstitusyon na pilitin ang isang impeachable officer na humarap sa korte lalo’t hindi naman ito criminal proceeding.
Gayunman, tinukoy ni presiding officer Chiz Escudero na nasa bise presidente kung haharap ito gaya na lamang ng ginawa noon ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Hihintayin naman ni Escudero ang request ng prosekusyon para sa pagpapasubpoena kay Duterte.
Dahil binawi na ng prosecution team ang presentasyon sa mga natitirang testigo, tinapos na rin ngayong umaga ang paglilitis at bukas ay wala ring mangyayaring trial.










