Tuesday, September 8, 2026

Hindi pagtestigo ni dating DepEd SDO Fajarda, walang epekto sa lakas ng prosecution case laban kay VP Sara

COURTESY: House of Representatives/Facebook

Tiniyak ni House Lead Prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro na walang epekto sa lakas ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ang hindi pagtestigo sa impeachment trial ni dating Department of Education (DepEd) special disbursing officer Edward Fajarda.

Sinabi ito ni Luistro makaraang magpasya ang House Prosecution Panel na huwag nang iharap si Fajarda bilang testigo sa impeachment trial kasunod ng payo ng doktor na magpahinga pa ito ng 30 araw matapos dumanas ng stroke.

Diin pa ni Luistro, tinanggap din ng defense team ang karamihan sa inilatag nilang mga ebidensyang may kaugnayan sa pag-handle ni Fajarda sa confidential funds ng DepEd sa panahong si VP Sara ang kalihim nito.

Kasama dito ang mga dokumento hinggil sa encashment ng tatlong tseke na nagkakahalaga ng tig-₱37.5 million noong 2023, gayundin ang mga certifications at reports na may pirma ni VP Duterte.

Samantala, hindi na rin ipapatawag ng prosekusyon si Mary Grace Piattos na kasama sa listahan ng kanilang mga testigo.

Ayon kay House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, malinaw sa record ng Philippine Statistics Authority (PSA) na walang Mary Grace Piattos dahil wala itong record ng kapanganakan, kasal at pagkamatay.

Kaya naman punto ni Adiong, mahirap ipatawag ang isang taong wala o hindi nag-e-exist.

Facebook Comments