
Kinumpirma ni Office of the Ombudsman Central Records Division Officer-in-Charge Atty. Karen Batu na walang cash na idineklara si Vice President Sara Duterte sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) mula 2019 hanggang 2025.
Sa ika-25 araw ng impeachment trial, tinanong ni Atty. Jame Bryan Ibrahim Alih ang tungkol sa mga idineklarang cash ni VP Duterte.
Mula 2007 hanggang 2018 ay may mga cash declarations si VP Sara noong siya ay Vice Mayor at Mayor pa ng Davao City na nasa ₱2 million (2007-2008), ₱2.8 million (2009), ₱3.661 million (2010), ₱3.931 million (2011) at ₱4.32 million (2012), ₱3.75 million (2016), ₱6.37 million (2017) at ₱3.80 million (2018).
Subalit sa ikatlong termino nito bilang alkalde ng Davao hanggang sa maging bise noong 2022 hanggang sa 2025 ay sinabi ni Batu na walang idineklarang cash on-hand at pera sa bangko si Duterte.
Kaugnay pa rin sa SALN, wala ring idineklarang shares ng stocks sa mga negosyong kasosyo o may interes si VP Sara at ang asawang si Atty. Mans Carpio sa mga taong 2007, 2009 hanggang 2012 at 2016 hanggang 2025.
Bunsod nito ay naitanong ni Senate President Sherwin Gatchalian na kung hindi nakadeklara ang halaga ng shares of stocks ni VP Duterte ay posible bang undervalued ito.
Tugon ni Alih, posible ito kaya dapat ay klaro at dapat nakalista ang halaga ng shares sa negosyo dahil ikinokonsidera itong personal properties sa ilalim ng SALN.










