Maglulunsad ang pamahalaang lokal ng Bayambang ng isang pamilihang magbibigay ng pagkakataon sa mga residente na direktang makabili ng sariwa at de-kalidad na ani mula sa mga lokal na magsasaka.
Isasagawa ang aktibidad sa Hulyo 15 at 16, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, sa gilid ng Municipal Hall o Legislative Building.
Layunin ng programa na mapalakas ang lokal na agrikultura sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas malawak na merkado para sa mga magsasaka, kasabay ng pagbibigay sa mga mamimili ng sariwa, ligtas, at abot-kayang gulay at prutas na direktang nagmumula sa mga bukirin ng Bayambang.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang bawat pagbili ng lokal na ani ay hindi lamang nakatutulong sa kabuhayan ng mga magsasaka kundi nagbibigay rin ng suporta sa patuloy na produksyon ng pagkain para sa komunidad.
Hinikayat din ang publiko na makiisa sa programa at magdala ng sariling eco-bag bilang pagsunod sa mga umiiral na batas pangkalikasan at upang mabawasan ang paggamit ng single-use plastics. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










