Thursday, July 9, 2026

RECIRCULATING DRYER, MAGPAPALAKAS SA PRODUKSYON AT KITA NG MGA MAGSASAKA SA BAYAMBANG ‎

Mas inaasahang mapapabuti ang kalidad ng ani at tataas ang kita ng mga magsasaka sa Bayambang matapos tumanggap ang Bayambang District 7 Cluster Organization, Inc. ng isang yunit ng recirculating dryer na nagkakahalaga ng P2.94 milyon sa ilalim ng Corn Program ng Department of Agriculture–Regional Field Office I (DA-RFO I). ‎ ‎

Sa tulong ng Municipal Agriculture Office ng Bayambang, naisakatuparan ang proyekto na layong mabawasan ang post-harvest losses at mapanatili ang mataas na kalidad ng mga inaning mais, lalo na sa gitna ng pabago-bagong kondisyon ng panahon. ‎ ‎

Sa pamamagitan ng recirculating dryer, mas magiging mabilis at episyente ang pagpapatuyo ng ani, na makatutulong upang mapanatili ang kalidad ng mais at mapataas ang halaga nito sa pamilihan.

Inaasahan ding mabibigyan nito ng mas malaking oportunidad ang mga benepisyaryong magsasaka na magkaroon ng mas mataas na kita. ‎ ‎

Umaasa naman ang pamahalaan na mahihikayat ng proyektong ang iba pang samahan ng mga magsasaka upang patuloy na makiisa sa mga programa ng Department of Agriculture at sama-samang isulong ang pag-unlad ng agrikultura sa bayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments