PTFOMS, nakikipag-ugnayan na sa mga kaukulang ahensiya para sa imbestigasyon ng pagpatay sa isang batikang mamamahayag sa Aklan

Mariing kinondena ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) ang pagpatay sa batikang mamamahayag na si Juan “Johnny” Dayang, na kasalukuyang President Emeritus ng Publishers Association of the Philippines (PAPI).

Si Dayang ay binaril ng hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng kaniyang bahay sa Kalibo, Aklan kagabi.

Ayon kay PTFOMS Executive Director Undersecretary Jose Torres Jr. mahigpit nang nakikipag-ugnayan ang task force sa mga kaukulang ahensya para sa imbestigasyon ng kaso.

Kaisa rin aniya ang PTFOMS ng buong media community sa pagdadalamhati sa pagpanaw ni Dayang, na isang haligi at may malaking kontribusyon sa malayang pamamahayag sa bansa.

Samantala, hinimok naman ng task force ang publiko na manatiling mapagmatyag at suportahan ang mga pagsusumikap ng pamahalaan na itaguyod ang kalayaan sa pamamahayag at pangalagaan ang mga mamamahayag sa Pilipinas.

Facebook Comments