
Nakikipag-ugnayan na ang Quezon City Persons with Disability Affairs Office o QC-PDAO sa Pasay City Local Government kaugnay ng insidente ng umano’y pananakit sa isang adult person with disability (PWD), na residente ng Pasay, City, sa bookstore sa loob ng isang mall sa Quezon City.
Sa viral video at mga post sa social media, ang security guard umano ang nanuntok sa dibdib ng PWD gabi noong Huwebes, August 27 matapos umano nitong magnakaw ng ballpen.
Sa kabilang banda, hiniling naman ng National Council on Disability Affairs o NCDA na idaan ang imbestigasyon sa due process o tamang legal na proseso at iberepika ang paratang ng pagnanakaw at kung may diskreminasyon ba sa nasabing insidente.
Sa ngayon, patuloy pang inaalam ng Quezon City Police District (QCPD) ang buong detalye ng insidente, para mabigyang-linaw at maresolba ito ng patas at alinsunod sa batas.
Isinailalim na rin sa preventive suspension ang security guard, habang nagkakasa naman ng hiwalay na imbestigasyon ang security agency na kinabibilangan nito.
Sa opisyal na pahayag naman ng pamahalaang lungsod ng Quezon, nakikipag-ugnayan na rin umano ang QC-PDAO sa pamilya ng nasabing PWD para makapagbigay ng kaukulang tulong, gaya ng access sa legal support at iba pang serbisyo.










