
Magsasagawa ang Philippine National Police (PNP) ng mas malalim na pag-aaral at konsultasyon sa mga stakeholder kaugnay ng panukalang siyasatin ang mga tahanan kung saan itinatago ang mga baril na isyu ng gobyerno.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., kailangang magsagawa ng mga konsultasyon para matiyak na hindi lalabag sa karapatan ang ganitong hakbang, lalo na sa aspeto ng privacy dahil sakop na ng panukala ang kanilang mga tahanan.
Dagdag pa nito, nasa proseso ng pagpapaigting ng mga hakbang ang PNP para matiyak na ang mga government-issued na baril ay maayos na nakatago .
Nabatid na una nang sinabi ni SILG Jonvic Remulla na bigyan ng access ang pulisya sa mga bahay para siyasatin kung ang mga baril na isyu ng gobyerno.
Isinulong ang panukala kasunod ng nangyaring insidente sa paaralan sa Tacloban City at Zamboanga City na kinasangkutan ng mga menor de edad na estudyante at lumalabas na ang mga ginamit na baril ng mga ito ay mga government -issued firearms.










