Monday, August 31, 2026

Iba’t ibang grupo, nagkasa ng kilos-protesta sa labas ng Chinese Embassy

Nagkasa ng kilos-protesa sa tapat ng Chinese Embassy sa Makati City ang grupong Alab ng Bayan at Filipinos Do Not Yield kasabay ng paggunita ng Araw ng mga Bayani.

Ito’y para kondenahin ng pakikialam ng China sa mga karagatan sakop ng Pilipinas.

Partikular dito ang nais ng China na alisin ang BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal.

Giit ng grupo, hindi na dapat pakialaman pa ng China ang anumang ginagawang desisyon ng Pilipinas lalo na sa mga lugar na pag-aari ng bansa.

Paliwanag nila, ang BRP Sierra Madre ang nagsisilbing outpost ng Pilipinas at sumisimbolo ng kalayaan, soberenya at karapatan pandagat.

Muli nilang ipinanawagan na lisanin na ng China ang West Philippine Sea at itigil na ang ginagawang pambu-bully sa mga mangingisda at iba pang tanggapan ng pamahalaan.

Kanila naman pinuri ang buong pwersa ng Philippine Coast Guard (PCG), sundalo, opisyal at tanggapan ng pamahalaan gayundin ang mga mangingisda na patuloy na naninindigan sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.

Facebook Comments