QC-LGU, bubuksan ang 66 na health centers tuwing Sabado at Linggo kasunod ng deklarasyon ng dengue outbreak sa lungsod

Pinakilos na ni Mayor Joy Belmonte ang lahat ng assets at resources ng lokal na pamahalaan upang matiyak na accessible sa lahat ng residente ang mga programa at serbisyo nito.

Kasunod ito ng deklarasyon ng dengue outbreak sa lungsod.

Upang matugunan ang late diagnosis ng dengue, lahat ng 66 QC Health Center ay bubuksan tuwing Sabado at Linggo mula 8 am hanggang 5 pm upang asikasuhin ang mga dengue patient.


Isang Fever Express Lane rin ang itinatag sa lahat ng mga health center upang mabilis na maasikaso ang mga may lagnat, na kabilang sa mga sintomas ng dengue.

May mga libreng dengue kit naman na available sa mga health center at mga ospital.

Pinayuhan din ng CESU ang mga residente na protektahan ang kanilang sarili mula sa dengue sa pamamagitan ng paggamit ng mosquito repellant, kung maaari, magsuot ng damit na may mahabang manggas at mahabang pantalon, lalo na para sa mga bata.

Dapat ding magsagawa ng clean-up drive sa mga lugar na pwedeng pamahayan ng lamok.

Mula Enero 1 hanggang Pebrero 14, 2025, nakapagtala ang City Epidemiology and Surveillance Division (CESD) ng 1,769 na mga kaso ng dengue.

Ito ay halos 200% na mas mataas kung ikukumpara sa naitala noong nakaraang taon.

58% ng mga naiulat na kaso ay kinabibilangan ng batang may edad na mula lima hanggang 17 anyos habang 44% naman ay mga bata na edad isa hanggang sampung taong gulang.

10 indibidwal naman ang pumanaw, kabilang ang walong menor de edad.

Facebook Comments