Radio announcer, patay matapos pagbabarilin habang nagpoprograma sa Calamba, Misamis Occidental

Binaril-patay habang nagpoprograma ang isang radio broadcaster kaninang madaling araw sa Brgy. Don Bernarfo A. Neri, Calamba, Misamis Occidental.

 

Kinilala ang biktima na si Juan Jumalon Tumpag o alyas Johnny Walker, 57, may asawa na residente ng P-2, Brgy. Don Bernarfo A. Neri, Calamba, Misamis Occidental.

 

Batay sa spot report ng OIC Calamba municipal police station sa pamamagitan ni Patrolman Eliver M. Quico, nangyari ang pamamaril kay Jumalon dakong alas-5:35 ng umaga habang ito ay nagpoprograma mismo sa kanyang radio station na 94.7 Calamba Gold FM sa kanyang bahay.


 

Batay pa sa inisyal na imbestigasyon, isang hindi nakilalang suspek ang dumating at may mahalagang nais daw na ipaanunsiyo.

 

Nang makapasok na ang suspek sa gate ng bahay ay bigla na lamang itong naglabas ng baril at pinaputukan ang biktima na tinamaan sa ibabang bahagi ng kanyang labi na tumagos ang bala sa likuran ng ulo.

 

Agad namang tumakas umano ang suspek matapos ang pangyayari.

 

Nadala pa ng mga kaanak ang biktima sa Calamba District Hospital pero ito ay dineklarang dead on arrival ng duty physician na si Dr. Geopeter Manisan.

 

Sa ngayon, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa krimen habang puspusan din ang manhunt operations laban sa suspek.

 

Liban sa pagiging broadcaster si Johnny Walker ay empleyado rin umano ng water district ng LGU ng Calamba.

Facebook Comments