Monday, October 26, 2026

Planta ng mga kuryente, kailangang tapusin ang preventive maintenance bago mag-El Niño — DOE

Nanawagan ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) sa lahat ng planta ng kuryente sa bansa na agad kumpletuhin ang kanilang mga preventive maintenance bago pa man maramdaman ang matinding epekto ng inaasahang “very strong” El Niño.

Binigyang-diin ng ERC na mahalagang matapos ang pagkukumpuni nang maaga upang agad na makapagbigay ng sapat at tuloy-tuloy na supply ng kuryente ang mga planta kapag tumama na ang tagtuyot.

Bukod sa mga power plant, pinamamadali rin sa mga battery energy storage systems at power barges ang konstruksyon, testing, at commissioning ng kanilang mga pasilidad upang makatulong sa kakulangan ng enerhiya.

Samantala, pinaghahanda na rin ng DOE at ERC ang mga malalaking consumer sa ilalim ng Interruptible Load Program (ILP) na gamitin ang sarili nilang mga generator kapag gipit ang supply, habang pinag-iingat at pinagtitipid naman ang mga maliliit na konsyumer.

Facebook Comments