Wednesday, October 28, 2026

Mga bus terminal sa Maynila, ininspeksyon ng DOTr

Nag-ikot at nag-inspeksyon si Transportation Sec. Vince Dizon sa ilang mga bus terminal sa Sampaloc, Maynila.

Bahagi ito ng hakbang ng Department of Transportation (DOTr) bilang paghahanda sa posibleng pagdagsa ng mga pasahero sa mga bus terminal para sa paggunita ng Undas 2026.

Nais maisguro ng kalihim na nasa maayos na kondisyon ang mga pampasaherong bus gayundin ang mga driver nito lalo na’t ang biyahe ng mga ito ay mula Maynila hanggang Central at Northern Luzon.

Bukod dito, pinasisiguro rin ni Dizon sa mga pamunuan ng bus na dapat komportable ang mga pasahero lalo na ang mga naghihintay ng kani-kanilamg biyahe.

Aniya, dapat ay maayos ang mga pasilidad ng mga terminal partikular ang mga upuan, bentilasyon at mga comfort room.

Isa sa mga terminal ang napansin ni Dizon na walang comfort room kaya’t pinagsabihan niya ang pamunuan na maglaan o magtayo nito para sa kapakanan ng mga pasahero.

Muli rin ipinapaalala ng kalihim na dapat ay sapat ang bilang ng mga unit ng bus na bababiyahe at siguraduhin na maaayos ang kondisyon nito lalo na ang mga tsuper.

Facebook Comments