Thursday, November 5, 2026

Ramon Tulfo, inaming “nakuryente” sa alegasyong ipinost niya sa kanyang Facebook page

Inamin ng beteranong mamamahayag na si Ramon Tulfo, na “nakuryente” siya sa impormasyong nakakalabas-masok umano ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Payatas, Quezon City si dating House Speaker Martin Romualdez.

Paglilinaw ni Tulfo, mali ang natanggap nyang impormasyon tungkol dito, gaya ng alegasyong sumasakay si Romualdez sa isang ambulansya at pinapatay ang kuryente sa pasilidad para hindi mahagip sa CCTV camera ang umano’y paglabas-masok ni Romualdez sa kulungan.

Sa isang Facebook post ngayong Huwebes ng umaga, sinabi ni Tulfo na nakakahiya bilang isang mamamahayag, ang amining nakuryente siya sa impormasyong ibinigay sa kaniya, at naipakalat pa ito sa social media.

Aminado rin si Tulfo na dapat sana’y isinailalim niya muna sa cross-checking ang nasabing impormasyon, bago iponost sa social media.

Matatandaang ngayong araw din ay sinabi ng abogado ni Romualdez sa pagdinig ng Sandiganbayan 3rd Division, na nagpadala sila ng sulat o liham kay Tulfo kaugnay ng nasabing alegasyon, at hinihiling na i-takedown ang post ni Tulfo.

Facebook Comments