Thursday, September 10, 2026

Red at Yellow Alert, itataas ulit sa Visayas at Mindanao Grid ngayong araw

Muling ipatutupad ang Red Alert sa Visayas Grid ngayong araw, Setyembre 10, mula alas-2:00 ng hapon hanggang alas-9:00 ng gabi.

Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ilalagay din ang grid sa Yellow Alert mula ala-1:00 hanggang alas-2:00 ng hapon at muli mula alas-9:00 hanggang alas-10:00 ng gabi.

Ayon sa NGCP, pangunahing dahilan ng kakulangan sa suplay ang pumalyang malalaking coal-fired power plants na TVI 1, TVI 2, at PEDC 3, gayundin ang limitadong pag-aangkat ng kuryente mula sa Mindanao Grid.

Samantala, ipatutupad naman ang Yellow Alert sa Mindanao Grid mula ala-1:00 hanggang alas-4:00 ng hapon, at alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.

Ang pangunahing dahilan ng Yellow Alert ang hindi gumaganang malalaking coal-fired power plants na GNPK 2 at GNPK 3.

Ang Red Alert ay ipinatutupad kapag kulang ang suplay ng kuryente upang matugunan ang demand at kinakailangang reserba ng grid habang ang Yellow Alert ay idinedeklara kapag hindi sapat ang operating margin upang matugunan ang contingency requirement ng transmission grid.

Facebook Comments