Tuesday, September 8, 2026

Red at Yellow Alert, muling itataas sa Visayas at Mindanao Grid ngayong hapon at gabi

Itataas sa Red at Yellow Alert ang Visayas at Mindanao Grid mamayang hapon hanggang gabi.

Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ang Red Alert sa Visayas Grid ay ipatutupad dakong alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi, habang nasa Yellow Alert naman ang grid mula alas-2:00 ng hapon hanggang alas-5:00 ng hapon at muling ibabalik dakong alas-8:00 hanggang alas-9:00 ng gabi.

Kabilang sa mga pangunahing dahilan ng pagdedeklara ng Red at Yellow Alert ang hindi gumaganang malalaking coal-fired power plants na TVI 1 at PEDC 3, gayundin ang limitadong pag-angkat ng kuryente mula sa Mindanao Grid.

Naka-Yellow Alert naman ang Mindanao Grid mula alas-2:00 hanggang alas-4:00 ng hapon at alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.

Pangunahing dahilan ng Yellow Alert ang pumalyang malalaking coal-fired power plants na GNPK 2 at GNPK 3.

Ayon sa NGCP, 10 planta ng kuryente ang kasalukuyang naka-forced outage ngayong Setyembre.

Mayroon ding mga plantang nananatiling hindi pa rin gumagana mula sa mga nakalipas na buwan, habang limang planta ang tumatakbo sa derated o limitadong capacity.

Pinaaalalahanan ng NGCP ang publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente, lalo na sa oras ng mataas na demand, upang makatulong sa pagpapanatili ng sapat na suplay ng elektrisidad sa Mindanao.

Ang Red Alert ay ipinatutupad kapag kulang ang suplay ng kuryente upang matugunan ang demand at kinakailangang reserba ng grid, habang ang Yellow Alert ay indikasyon na manipis ang operating reserve at maaaring maapektuhan ang suplay kapag may biglaang aberya.

Facebook Comments